Manila, Philippines – Nagsalita na ang kontrobersyal na IT Consultant ng Korte Suprema na si Helen Macasaet.
Kaugnay sa usapin ng sweldo nito na mas malaki pa sa sahod ng Chief Justice, sinabi ni Macasaet na maliit lamang ang P250, 000 na kanyang buwanang sahod sa Supreme Court (SC).
Ayon kay Macasaet, P80, 000 na lamang ang natitira sa kanyang sahod bilang IT Consultant ng SC dahil sa dami ng deductions sa kanyang sweldo.
Sapat lamang aniya itong pambili ng kanyang sapatos o makeup.
Aniya, malayo sa sweldo niya sa Korte Suprema ang sinasahod niya noon sa GSIS bilang I.T. Consultant din na P925,000 kada buwan at sa ibang IT company kung saan siya ay CEO na may P3 Million sahod kada taon, hindi pa kasama dito ang kotse, gasolina at telepono.
Ipinagmalaki din ni Macasaet ang kanyang credentials na siya ay IT End User and Solution Provider sa halos nakalipas na 35 taon dahilan kaya napakalaki ng kanyang sweldo.
Pero sinabi ni Justice Committee Chairman Reynaldo Umali na hindi maaaring ikumpara ni Macasaet ang pasahod dito ng gsis sa tinanggap nito sa Supreme Court dahil ang GSIS ay maraming salapi habang ang Korte Suprema ay nakadepende lamang sa gobyerno.