Kinuwestyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson kung bakit sa proposed 2021 National Budget ay tinapyasan ng 76 milyon pesos ang pondo para sa Research and Development Institutes ng Department of Science and Technology o DOST.
Dismayado si Lacson na sa ngayon ay 0.4 percent lamang ng pambansang budget ang nakalaan sa research and development gayong mahalaga na mamuhunan dito upang hindi masayang ang ating home grown talents at para hindi na tayo palaging umaasa o umaangkat sa ibang bansa.
Tinukoy ni Lacson na mismong ang UN Department of Economic and Social Affairs ay nagbigay diin sa kahalagahan ng science and technology lalo ngayong may pandemya.
Sa pagtalakay ng Senado sa proposed 2021 budget ay sinang-ayunan naman ni Budget Secretary Wendell Avisado si Lacson at sa katunayan, sa kanilang cabinet meetings ay mismong si Pangulong Rodrigo Duterte pa aniya ang bumabanggit sa kahalagahan ng research and development.
Nilinaw rin ni Avisado na para sa susunod na taon ay tinaasan pa nila ng 16% o ₱23.89 billion ang kasalukuyang ₱20.52 billion na pondo ng DOST.
Ayon kay Avisado, kasama dito ang ₱283 million para sa pagtatayo ng Virology Science Technology Institute at ₱66 million para sa partisipasyon ng Pilipinas sa World Health Organization (WHO) Solidarity clinical trial para sa COVID vaccine.
Paliwanag pa ni Avisado, ang pondo para sa Research and Development ay nakakalat sa iba’t ibang ahensya at hindi lang sa DOST.