MALILIIT NA MAGSASAKA SA PANGASINAN, UMAARAY SA PAGTANGGI NG NFA SA KANILANG PALAY

Ilang maliliit na magsasaka sa Pangasinan ang umaapela sa National Food Authority (NFA) matapos umano silang tanggihan sa pagbebenta ng kanilang inaning palay, sa kabila ng direktiba ng pamahalaan na suportahan ang mga lokal na magsasaka.

Ayon sa isang magsasakang tumangging magpakilala, tuyo na ang kanilang palay ngunit hindi pa rin tinanggap ng ahensya.

Giit nila, kung tinatanggap ang wet palay, mas dapat ding tanggapin ang dry palay, lalo na’t malinaw sa mga pahayag ng pamahalaan ang layuning tulungan ang lahat ng magsasaka.

Inirereklamo rin ng mga magbubukid ang umano’y mahigpit na pamantayan ng NFA sa pagtanggap ng palay, na anila’y hindi isinasaalang-alang ang hirap na dinaranas ng mga maliliit na magsasaka, lalo na matapos ang sunod-sunod na bagyo at pagbaba ng presyo ng palay sa merkado.

Mas pinipili ng ilan na ibenta na lamang ang kanilang ani sa mga pribadong traders na tumatanggap nang mas mabilis kahit walang masalimuot na proseso.

Sa kasalukuyan, nasa pagitan ng ₱10–₱11 kada kilo ang presyo ng wet palay at ₱13–₱14 kada kilo ang dry palay, halaga na sinasabing hindi pa rin sapat upang mabawi ang puhunan.

Patuloy namang hinihintay ng mga magsasaka ang opisyal na pahayag ng NFA hinggil sa isyung ito.

Facebook Comments