Maliliit na Negosyo sa Isabela, Maaari nang Umutang sa Ilalim ng P3 Program ng DTI!

Cauayan City, Isabela- Nagsimula nang tumanggap ng mga maliliit na negosyo ang Department of Trader and Industry (DTI) Isabela para sa pautang sa ilalim ng Pondo sa Pagbabago at Pag-Asenso o P3 Program ng gobyerno.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Winston Singun, provincial director ng DTI Isabela, maaaring umutang ang mga maliliit na negosyo na nalugi, nagsara o nawalan ng kita mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.

Nilinaw nito na dahil hindi lahat ng mga MSME’s sa Lalawigan ay mabibigyan ng libreng cash at livelihood assistance ay mayroon namang inilaang pautang na walang interes para sa mga hindi maaayudahan.


Nasa 45 na small at micro businesses na sa Lalawigan ang nag-avail sa naturang programa na sinimulan noong Lunes, Mayo 18, 2020.

Aabot sa halagang P10,000 hanggang P200,000 ang pautang sa mga micro businesses habang nasa P200,000 hanggang P500,000 naman para sa small businesses.

Ito ay dipende aniya sa kinakailangang halaga o kung magkano ang lugi sa negosyo.

Sa mga micro at small businesses na gustong umutang ay kinakailangan lamang na magpakita ng ebidensya na may isang (1) taon ng nagnenegosyo, may registration sa barangay o munisipyo na nagpapatunay na legal ang negosyo at walang negative na record.

Maaari aniyang magtungo at mag-apply sa mga Negosyo Centers o makipag-ugnayan sa kanilang facebook page (DTI Isabela) para sa nasabing pautang.

Facebook Comments