Iginiit ni Senator Alan Peter Cayetano ang pagkakaroon ng malinaw na estratehiya ng pamahalaan pagdating sa isyu ng West Philippine Sea.
Tinukoy ni Cayetano na lahat ng nagke-claim o umaangkin sa West Philippine Sea ay may kanya-kanyang strategy kung saan ang ilan ay idinadaan sa diplomasya, may ilan na nagpapalakas ng Hukbong Sandatahan habang ang iba ay economic ang pamamaraan at sa pagpapalakas ng alliances.
Ipinunto ng senador na naging problema ng Pilipinas ang pabago-bagong estratehiya depende sa namumunong presidente.
Bukod sa pagkakaroon ng malinaw na strategy ay ipinaalala rin ni Cayetano na hindi simpleng solusyon ang sumama sa Estados Unidos na magdadagdag ng base militar at magsagawa ng mga aktibidad.
Mahalagang pag-aralan ng pamahalaan ang magiging pamamaraan sa pagharap sa problema sa West Philippine Sea upang hindi mangyari sa bansa ang tulad sa ginawang pag-atake ng Russia sa Ukraine.
Nagpaalala rin si Cayetano na hindi lamang dapat ang China na ating mahigpit na kaagaw sa teritoryo ang ating bantayan kundi naririyan din ang mga bansang Vietnam at Malaysia na may claims din sa disputed area.