MALING DEKLARASYON │Kopya ng SALN ni Sereno, at iba pang resource persons, ipinapa-subpoena

Manila, Philippines – Hiniling na i-subpoena ang Office of the Ombudsman at ang dating UP-Human Resource Development Office Director Dakila Fernando para pagpaliwanagin kung saan napunta ang SALN ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ito ay kaugnay na rin sa reklamo kay Sereno patungkol sa hindi tamang pagdedeklara nito ng SALN partikular na sa kinita nito sa PIATCO case na aabot sa 30 Million pesos.

Ayon kay UP-HRDO Chairman Dean Angela Escoto, bukod tanging SALN noong 2002 lamang ni Sereno ang kanilang nakuhang kopya.


Wala aniya ang mga SALN mula ‎2001-2009 kung saan pasok dito ang kinita sa PIATCO case noong 2003.

Nakiusap naman ang mga taga UP-HRDO na bigyan sila ng 10 days para maisumite ang SALN ni Sereno pero hindi pumayag ang komite.

Humirit naman ng hanggang December 4 ang mga taga UP-HRDO para sa presentasyon ng SALN ni Sereno.

Samantala, ipapatawag din ng komite sina Atty Jose Mejia, SC Associate Justice Teresita de Castro, Sandiganbayan Associate Justice Zaldy Trespeses at retired SC Associate Justice Arturo Brion para tumestigo naman sa pagmamanipula ni Sereno sa JBC shortlist.

No show naman si BIR Commissioner Cesar Dulay sa pagdinig na kinatawan naman ni Atty. Rosario Padilla dahil nasa international tax conference ang Commissioner sa Boracay.

Nangako na babalik bukas ang BIR dala na ang tax records ni Sereno.

Facebook Comments