Naturukan ng maling dose ng bakuna ang isang 11 taong gulang na batang babae sa Maynila.
Ang naturang bakuna na naiturok sa bata ay para dapat sa 12 hanggang 17 na taong gulang.
Ayon sa magulang ng bata, nabakunahan ito noong January 10 kahit pa nagpakita na ito ng birth certificate.
Inakala lamang ng magulang na pwede na itong bakunahan kahit wala pa sa tamang edad ang anak.
Sinabi naman ni Pediatric Infectious Diseases Expert Dr. Anna Ong-Lim na hindi na kailangan ulitin pa ang first dose at sa halip ay iturok na lamang ang angkop na bakuna para sa edad ng bata.
Sa kabila nito ay wala namang adverse effect na naranasan ang bata matapos maturukan ng bakuna na hindi angkop sa edad nito.
Samantala, naitala rin kahapon ang isang insidente ng ‘adverse event’ sa pediatric vaccination rollout ng mga batang nasa 5 hanggang 11 taong gulang.
Ngunit nilinaw ni Health USec. Myrna Cabotaje na agad naman itong naresolba dahil non-serious adverse event lamang ang naranasan ng bata tulad ng pagkakaroon ng rashes.