Nanawagan sa Commission o Elections o Comelec ang poll watchdog na Kontra Daya para sa malinis at tapat na pagdaraos ng 2022 election.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Professor Danilo Arao, Convenor ng Kontra Daya na nagpadala na sila ng liham na naka-address kay Comelec Chairman Sheriff Abas.
Lakip sa liham na himukin ang mga ito na; bawiin ang kontrata sa F2 Logistics Philippines na mangangasiwa sa eleksiyon upang maiwasan ang conflict of interest; pag-imbestiga sa paggamit ng government resources ng mga kandidato; ireklamo ang mga ahensiya ng gobyernong nagsasagawa ng red-tagging sa ilang grupo at iba pa.
Tiniyak naman ni Arao na magiging mapagmatyag pa rin sila lalo na sa panahon ng pangangampanya upang maiwasan ang mga iligal na gawain.
Samantala, maliban sa Kontra Daya, kinondena ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting ang napapaulat na vote buying kahit wala pa ang panahon ng pangangampanya.
Dahil dito, pinayuhan ng grupo ang publiko na huwag ng tumanggap ng salapi galing sa mga kandidato.