
Nilinaw ng Department of National Defense (DND) na matagal nang isinuko at pinawalang-bisa ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., ang kanyang Maltese passport bago pa man siya tumakbo sa halalan noong 2022.
Ayon kay DND Spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong, isinagawa ni Teodoro ang pagsuko at pag-renounce ng nasabing pasaporte noon pang 2021 bago ang paghahain niya ng certificate of candidacy para sa pagka-senador.
Dagdag pa ni Andolong, matagal nang nailantad ang isyu ng pagkakaroon ni Teodoro ng Maltese passport, lalo na nang dumaan ito sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments tatlong taon na ang nakalilipas.
Alam aniya ni Teodoro ang motibo sa likod ng muling paglalantad ng isyu, kabilang na ang timing ng pagkakalathala ng artikulo.
Sa nasabing ulat, nabanggit na nakuha ni Teodoro ang kanyang Maltese passport sa pamamagitan ng financial contribution na isang proseso na bahagi ng citizenship-by-investment program ng Malta kung saan may bisa ito na sampung taon.
Alinsunod sa Saligang Batas ng Pilipinas, hindi maaaring humawak ng posisyon sa gobyerno lalo na sa gabinete ang sinumang may dual citizenship.
Itinalaga si Teodoro bilang DND chief ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong Hunyo 2023.
Una na rin siyang nagsilbing kalihim ng DND mula Agosto 2007 hanggang Nobyembre 2009 sa ilalim ng administrasyong Arroyo.









