Isang hindi inaasahang biyahe ang nauwi sa masayang balita matapos ligtas na manganak ang isang 32-anyos na buntis mula sa Bonuan Gueset, Dagupan City sa loob ng sasakyan ng isang kagawad habang papunta sana sa ospital.
Sa gitna ng tensyon at pangamba, agad na rumesponde ang kagawad nang malaman ang sitwasyon at ginamit ang kanyang personal na sasakyan upang madala ang babae sa pagamutan.
Ayon sa kanya, napagdesisyunan niyang kumilos kaagad dahil kasalukuyang ginagamit ng iba pang pasyente ang rescue vehicle ng barangay.
Kasabay sa biyahe ang isang Barangay Health Worker na nagbigay ng agarang paunang tulong medikal sa ina habang nasa daan.
Habang patungo sa ospital sa Bonuan Binloc, ligtas na naipanganak ang isang sanggol na lalaki na sinalubong ng malakas na iyak, tila senyales ng maayos na kalagayan nito.
Sa kabila ng biglaang pangyayari, nanatiling maayos at ligtas ang kondisyon ng mag-ina at agad namang nabigyan ng karampatang atensyong medikal pagdating sa ospital.
Itinuturing ng pamilya ang insidente bilang isang blessing at natatanging karanasang babaunin nila habambuhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








