Mamamahayag, patay sa vehicular accident sa Oriental Mindoro

Oriental Mindoro – Patay ang isang mamamahayag habang sugatan ang tatlo pa matapos ang nangyaring vehicular accident sa Barangay Maligaya, Gloria, Oriental Mindoro kagabi.

Kinilala ni Region 4B spokesperson Supt. Imelda Tolentino ang nasawing miyembro ng media na si Jose Nocum Pascua, Operational manager ng Radio Natin Station Pinamalayan at residente ng San Vicente East, Calapan, City Oriental Mindoro.

Habang ang mga sugatan ay kinilalang sina Edmar Magadia Noay, 22 anyos isang electrician at residente ng Sitio Linao, Barangay Banus, Gloria Oriental Mindoro, at sina Noel Condesa Acosta, 25 anyos ng Barangay Balete, Gloria, Oriental Mindoro at John Christian Acosta Capitin, 13 anyos ng SitioTuril Barangay Maligaya, Gloria, Oriental Mindoro.


Ayon kay Tolentino, alas- 9:45 ng gabi kagabi ng bigla na lamang sumemplang ang motorsiklong sakay ang mga sugatang biktima sa gitna ng kalsada at dahil dito nawalang ng kontrol ang motorsiklong minamaneho ng nasawing biktima dahilan para bumangga ito sa nakaparadang Isuzu elf truck.

Sa ngayon patuloy na ginagamot sa Pinamalayan Community Hospital ang mga sugatang biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Gloria Municipal Police Station sa aksidente.

Facebook Comments