Mamamayan, dapat protektahan ng PNP hindi armasan

Iginiit ni Senador Panfilo Lacson sa Philippine National Police (PNP) dapat ipakitang kaya nitong protektahan ang publiko bago ikonsidera ang pag-aarmas sa mga civilian “volunteer” para maawat ang paglaganap ng krimen.

Paliwanag ni Lacson, kung hindi ito magagawa ay iisipin ng publiko na hindi na kayang gampanan ng PNP ang tungkulin kaya pakikilusin na pati mga sibilyan.

Sang-ayon din si Lacson na isailalim muna sa masinsinang pag-aaral ang nabanggit na ideya.


Kaakibat nito ay mas pinapahigpitan pa ni Lacson sa PNP ang pag-isyu ng Permits to Carry Firearms Outside Residences sa mga sibilyan kabilang na ang mga senador, kongresman at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Lacson na dating namuno sa PNP, ang pagkakaroon ng baril ay hindi dapat mapasakamay ng mga taong posibleng masangkot sa away sa lansangan o ibang hindi kanais-nais na insidente.

Facebook Comments