Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga residente ng Maguindanao del Norte na makilahok sa idaraos na unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa May 2025.
Sa kaniyang talumpati sa 10th anniversary ng paglagda sa Comprehensive Agreement on Bangsamoro (CAB), tiniyak ng pangulo sa mga residente sa lalawigan ang pagdaraos ng tapat, payapa at credible na eleksyon.
“And I also take this opportunity to remind you to exercise your right to suffrage as you chart your political future in the forthcoming first BARMM elections in May 2025,” ayon sa pangulo.
Nanawagan din ang pangulo sa mga residente na pahalagahan ang kanilang mga boto.
“I urge you, safeguard those rights, empower yourselves, take part in our shared task of nation-building. Hindi lamang ako umaasa na malinis at payapa ang halalang ito, pero higit sa lahat, ang bawat kandidato ay tangan ang prinsipyo ng Bangsamoro – ang Bangsamoro Muna Bago Sarili,” dagdag pa ni Pangulong Marcos.
Bilang pagsusulong sa layuning “Better Bangsa Moro” sinabi ni Pangulong Marcos na titiyakin ng pamahalaan na magiging credible ang proseso ng halalan sa lugar.
Binalaan din ng pangulo ang mga nagbabalak na manggulo sa eleksyon.
“As your President, I assure that you will have an honest, orderly and credible conduct of the electoral process. Let this also serve as a warning to those who may plan to threaten and derail this upcoming election, huwag n’yo nang isipin ‘yan dahil ang kakalabinin na ninyo ay ang pamahalaan,” ayon pa sa pangulo.
Dumalo si Pangulong Marcos sa idinaos na commemoration ceremony sa anibersaryo ng paglagda sa CAB sa Maguindanao del Norte.