Mamamayang Pilipino, dapat tumindig para sa karapatan ng mga manggagawa at katarungan

Ngayong Araw ng Paggawa ay hinikayat ni Senator Leila de Lima ang mamamayang Pilipino na sama-samang tumitindig para sa karapatan ng mga manggagawa, at katarungan para sa mga nangangailangan nating kababayan.

Binanggit ni De Lima na bago pa man ang pandemya ay marami nang usaping hinaharap ang sektor ng paggawa tulad ng seguridad sa trabaho, pagtuldok sa kontraktwalisasyon, mas mataas na suweldo, patas at makatarungang trato.

Pero dismayado si De Lima na hindi pa rin ito natutugunan ng kasalukuyang administrasyon na puro pa rin pangako.


Ayon kay De Lima, paano pa ang kapakanan ng mga manggagawa ngayong nasa gitna tayo ng krisis at maraming negosyo ang nagsara, nawalan ng trabaho, mas maraming gutom at nangangailangan ng ayuda.

Binanggit pa ni De Lima ang paglobo ng mga utang, pagdami ng namamatay at nagkakasakit, habang lumulubha ang kahirapan.

Kaugnay nito ay tiniyak ni De Lima ang patuloy na pagsusulong ng mga panukalang batas at resolusyon sa Senado para sa mga manggagawa tulad ng pagbibigay ng diskwento sa mga gastusin sa paghahanap ng trabaho at pag-imbestiga sa mga maling palakad sa sektor ng paggawa.

Ayon kay De Lima, sa paraang ito ay mailalatag ang pagkakataon para makabangon ang mga nagdudusa ngayon at mabibigyan din ng pundasyon ang pag-angat sa buhay ng susunod na henerasyon.

Facebook Comments