Napaka-insensitive para kay Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan ang pahayag mula sa Malakanyang na hindi maaaring mamili ng COVID-19 vaccine ang publiko at lalo lang nitong pinapalala ang pangamba ng karamihan sa pagpapabakuna.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, ang ganyang pahayag ay magpapalala sa kawalan ng kumpiyansa ng mamamayan sa COVID-19 vaccine.
Diin naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, unfair ang pahayag na hindi dapat maging pihikan sa bakuna ang publiko.
Ipinamukha naman nina Senators Risa Hontiveros at Grace Poe sa gobyerno na pera ng taumbayan ang gagamitin sa pagbili ng COVID-19 vaccine kaya may karapatan silang maging “choosy.”
Giit naman ni Senator Panfilo Ping Lacson, wala dapat puwang ang pagiging arogante sa vaccination program ng pamahalaan.
Punto naman ni Senator Leila De Lima, hindi nagpipihikan sa bakuna na parang namimili ng ulam ang mamamayan dahil ang hiling lang naman nila ay ang karapatang humindi sa mga kwestyonableng bakuna na maaari aprubahan mula sa Tsina o Russia.
Hiling naman ni Senator Joel Villaneuva sa mga opisyal ng gobyerno, maging mas mapanuri sa mga salitang binibitiwan nila dahil buhay ng mga mamamayan ang nakasalalay dito.