Manila, Philippines – Iginigit pa rin ni dating PNP Special Action Force Chief retired Police Director Getulio Napeñas na wala siyang kasalanan sa palpak na Mamasapano Maguindanao Operation noong 2015 na ikinamatay na 44 na miyembro ng PNP-SAF.
Ayon kay Napeñas, balewala sa kanyang mabilanggo, kung talagang may kasalanan siya sa pangyayari.
Pero nanindigan siyang sumunod lamang siya ipinaguutos noon ng dating Pangulo na si Pangulong Benigno Aquino III.
Sa ngayon nahaharap si Napeñas at si dating Pangulong Aquino III sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Usurpation of Official Function sa ilalim ng Article 177 sa Sandiganbayan.
Kaugnay nito, patuloy na umaasa ang pamilya ng SAF 44 na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang kaanak sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Day of National Remembrance for the SAF 44 ngayong araw sinabi ni Julie Cayang, ang byuda ng isa sa SAF 44, na maliban sa pagkilala ng Pangulong Duterte sa kabayanihan ng SAF 44 nais aniya nilang mapanagot ng Pangulo ang mga may sala sa pagkamatay ng SAF 44.