Manila, Philippines – Hindi na sumipot para sa pagbasa ng sakdal sa kanyang kaso sa Sandiganbayan si dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ito ay dahil sa kailangan munang resolbahin ng korte ang nakabimbing motion to quash ng kampo ni Aquino na inihain kasunod ng paglalagak nito ng piyansa noong November 10, 2017.
Tanging ang legal counsel ni Aquino na si Atty. Romeo Fernandez ang dumating sa fourth division ng Sandiganbayan.
Iginiit ni Fernandez na walang matitibay na ebidensya na magdidiin sa dating Pangulo sa kontrobersyal na Mamasapano Incident.
Minaliit lamang ni Fernandez ang laman ng information sa isinampang kaso ng Ombudsman dahil hindi aniya ito magiging sapat para madiin si Aquino.
Idinagdag ni Fernandez na wala siyang personal knowledge kung nasaan si P-Noy dahil hindi pa sila nag-uusap.
Hindi rin aniya kailangan ang pisikal na presensya nito sa Sandiganbayan.
Naniniwala ang abugado ni Aquino na mareresolba ang inihain nilang mosyon bago mag-Pebrero a-kinse.
Samantala, dumating naman si dating PNP Chief Alan Purisima na isa rin sa akusado para naman sa kanyang pre-trial.