
Hinimok ni Senator Jinggoy Estrada ang Department of Foreign Affairs (DFA) na pagpaliwanagin si Chinese Ambassador Huang Xilian kaugnay ng ipinataw na parusa ng China government laban kay dating Senator Francis Tolentino.
Kaugnay ito sa sanction na ipinataw ng China sa dating senador kung saan pinagbawalan si Tolentino na makatuntong sa Mainland China, Hong Kong at Macao dahil sa mga pahayag at aksyon na kontra sa nasabing bansa.
Iginiit ni Estrada na walang mali sa naging mga aksyon ni Tolentino at ito ay salig sa demokratikong proseso at legal frameworks ng ating batas.
Ang tinutukoy ng senador ay ang dalawang landmark measures na iniakda ni Tolentino na sinuportahan at ipinasa ng Kongreso, ang Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act.
Sa kabila aniya ng Arbitral ruling na pumapabor sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, patuloy ang China sa pambu-bully, pangha-harass at paglalagay sa panganib ng ating mga maritime scientist at mga mangingisda.
Dagdag ng senador, bagama’t ang aksyon laban kay Tolentino ay prerogative ng China, malinaw pa rin na pinahihina nito ang mutual respect at stability sa rehiyon.









