Wednesday, January 21, 2026

Mambabatas, hinikayat si Rep. Leviste na minsanang ilabas ang buong Cabral files para maiwasan ang pagdududa ng publiko

Bagama’t welcome para sa isang mambabatas ang paunti-unting paglalabas ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ng umano’y Cabral files, mas mainam pa rin umano kung ilalabas na ito nang buo.

Ayon kay Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, hindi na bago ang limitado at partial release ng mga dokumento ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral, dahil lumabas na rin umano ang ilan sa mga ito sa mga investigative report kamakailan.

Aniya, mas makabubuti kung minsanan nang ilabas ni Leviste ang buong listahan at hayaang ang publiko ang humusga sa kredibilidad ng impormasyon.

Kung hindi umano ito gagawin, maaaring isipin ng publiko na ang piling paglalabas ng Cabral files ay may kaugnayan sa pansariling interes ng kongresista at hindi para sa kapakanan ng mamamayan.

Matatandaang noong bisperas ng Pasko ay inilabas ni Leviste ang 19-pahinang dokumento na naglalaman ng breakdown ng DPWH budget kada rehiyon at distrito, kabilang ang mga pangalan ng proponents sa ilalim ng P6.326-trilyong General Appropriations Act (GAA) na inihanda noong 2024 sa 19th Congress.

Kahapon, mismong araw ng Pasko, naglabas naman ang mambabatas ng panibagong set ng mahigit 60 dokumento kaugnay ng alokasyon ng pondo ng ahensiya mula 2023 hanggang 2026.

Facebook Comments