
Nilinaw ni House Assistant Majority Leader Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na hindi nito inaming mayroong “pork barrel” sa panukalang 2026 national budget na ₱6.793 trillion.
Naglabas ng paglilinaw ang mambabatas na vice chairman ng Committee on Appropriations kasunod ng online news interview kung saan umano niya inaming may pork barrel sa national budget.
Ang pork barrel ay discretionary funds ng mga mambabatas na madalas ay hindi nagagamit ng tama at naabuso at naging simbolo na ng korapsiyon sa ano mang uri ng pondo.
Iginiit ni Adiong na ang 2026 budget ay walang lump sum appropriations na maihahalintulad sa pork barrel system.
Aniya ang National Expenditure Program na isinumite sa Kongreso ay naglalaman lahat ng line-by-line appropriations, may tiyak na proyekto, projects, layunin at malinaw na kinilala ang mga implementing agencies.
Dahil dito, sinabi ni Adiong na nakasunod ang panukalang batas sa constitutional standards para sa transparency, specificity at accountability.








