Naniniwala si Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas na tiyak magiging pabigat sa ordinaryong mga Pilipino ang implementasyon ng Republic Act 112023.
Itinatakda nito ang pagpapataw ng 12% value-added tax sa foreign digital services tulad ng mga overseas-based e-commerce platforms at streaming services na Netflix, HBO, Disney+, gayundin ang Canva, Zoom at iba pa.
Ayon kay Brosas, mahalaga ang nasabing digital platforms sa edukasyon at trabaho kaya pangunahing tatamaan ang mga estudyante at mga educators na higit na naka-depende sa digital tools.
Para kay Brosas, hindi patas at insensitive ang pagpapatupad ng bagong buwis sa panahon ng ang mga Pilipino ay nagdurusa pa rin sa mataas na presyo ng mga bilihin habang mababa ang sweldo.
Magugunitang sa deliberasyon sa Kamara para sa naturang batas ay mariin itong tinutulan ni Brosas kaakibat ang mungkahi na patawan ng buwis ang mga pinakamayayaman tulad ng top 20 na mga bilyonaryo sa bansa kung saan maaring makakolekta ng aabot sa P98 billion pesos.