Mamuhay nang may kabuluhan at layunin, mensahe ni PBBM sa mga Pilipino ngayong Pasko

Nakikiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino sa buong mundo sa pagdiriwang ng araw ng Pasko.

Sa kanyang Christmas message, sinabi ng Pangulo na mahalaga ang okasyong ito na pagpapaalala ng pag-ibig ng Diyos sa iba’t ibang anyo.

Kaya naman ang pagdiriwang aniya ng Pasko ay paanyaya para magsaya at magpasalamat ang bawat isa.

Kasabay nito’y nanawagan si Pangulong Marcos sa mga Pilipino na pagnilayan ang pinakamahalaga, at mamuhay ng makabuluhan at may layunin.

Nawa’y manaig din aniya ang pagmamahalan at kapayapaan sa bawat tahanan at manatiling matatag ang relasyon sa Diyos at sa bawat isa.

Hinikayat pa ng Pangulo ang lahat na tularan ang liwanag na nagsilbing gabay sa tatlong hari para makita at maranasan ng iba ang pag-asang hatid ng Panginoon.

Facebook Comments