Manager, Patay sa Panloloob ng mga Magnanakaw!

1921

Santiago City, Isabela- Patay ang isang manager ng isang kompanya pasado alas siyete kaninang umaga, Enero 13, 2018 matapos looban at barilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Camacam Street, Centro West, Santiago City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Joel Galang, 37 anyos, may-asawa, nangungupahan sa nasabing barangay ng lungsod at tubong Pampanga.

Sa imbestigasyon ng Station 1 PNP Santiago City, bukas ang pintuan at nakakalat lahat ang mga gamit ng Freewill Finance Corporation nang maabutan ito ng isang empleyado na si Jayceean Ancheta na agad humingi ng tulong sa City Mobile Force ng lungsod.

Natagpuan na lamang ng City Mobile Force ang duguan at wala nang buhay na manager.

Ayon pa sa imbestigasyon ng PNP Crime Laboratory at Station 1 PNP ng lungsod, umakyat sa puno at dumaan sa bubong ng gusali ang mga suspek at agad pinaputukan sa ulo ang nakahigang manager noong sila ay nakapasok na.

Natangay ng mga suspek ang cellphone ng biktima at hindi pa matukoy na halaga ng pera.
Napag-alaman din na tinakpan ng mga suspek ang CCTV sa loob ng gusali at narekober sa pinangyarihan ang isang basyo ng bala ng caliber 45.

Iimbestigahan pa ng pulisya ang nangyaring insidente at inihahanda na ang kasong Robbery with Homicide laban sa mga matutugis na suspek.

Facebook Comments