Manila, Philippines – Iniimbestigahan na ngayon ng Directorate for Intelligence and Detective Management ng Philippine National Police (PNP) kung totoong nangyari ang pag-papa-oral sex umano ng isang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa dalawang plebo o first year cadet sa academy.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, sa oras na mapatunayang totoo ang insidente, matatanggal sila sa akademya.
Bukod sa pangunahing suspek na isang third year o second class cadet ay damay din ang dalawang third class cadet na nanood lang at walang ginawa sa kahalayan ng isang senior cadet.
Sa impormasyon mula sa PNPA, October 6 lang nangyari ang insidente.
Giit ni Albayalde dapat ang mga graduates ng PNPA ay magpakita ng kredibilidad dahil sila ang susunod na mamumuno sa PNP.
Dahil dito sinabi ni PNP Chief na kinakailangan na ang pagbabago sa sistema sa PNPA, kaya pinipilit nila ngayon na mailipat na sa pamamalakad ng PNP ang PNPA upang mabago ang mga maling sistema.
Sa ngayon ang Philippine Public Safety College o PPSC ang namamalakad sa PNPA.