Manila, Philippines – Sinampahan ng kaso ng Bureau of Customs (BOC) ang mga importer ng mga nadiskubreng smuggled na asukal at illegal na droga sa Manila International Container Port (MICP).
Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, kabilang sa sinampahan nila ng limang criminal complaint si Vedasio Cabral Baraquel, may-ari ng Vecaba Trading.
Si Baraquel ang consignee ng nadiskubreng magnetic lifter na naglalaman ng 355 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P2.4 billion.
Ang nasabing kargamento ay dumating sa bansa noong June 18 at idineklarang door frame.
Maliban sa nasabing droga, nadiskubre rin ng BOC ang abandonadong kargamento na naka-consigned sa Red Star Rising Corporation at naglalaman ng aabot sa 60 milyong pisong halaga ng smuggled refined sugar.
Nahaharap sa apat na criminal charge na may kaugnayan sa paglabag sa Large-Scale Agricultural Smuggling as Economic Sabotage Act ang mga opisyal ng nasabing korporasyon na sina Dante Lunar, Leonardo Mallari, Richel Paranete Llanes, August Presillas Templado at Bernie Abrina Rubia.