Manila, Philippines – Umapela si House Committee on Banks and Financial Intermediaries Vice Chairman Henry Ong na arestuhin at papanagutin ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng fake P10,000 banknote.
Pinakikilos ni Ong ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ang anti-cybercrime unit ng National Bureau of Investigation (NBI) na tukuyin ang mga tao o grupo na nasa likod ng pagpapakalat ng pekeng balita at pekeng pera.
Malinaw aniya na paglabag ito sa currency laws ng bansa.
Ang kumalat na pekeng P10,000 banknote ay nagdulot aniya ng kalituhan sa publiko, negosyo at ekonomiya dahil sa maraming nag-share nito sa social media sa paniniwalang bagong pera ito na inisyu ng BSP.
Paalala pa ng kongresista, hindi dapat minamaliit o dinededma ng mga otoridad ang ganitong problema dahil maaari itong gawin muli ng mga kawatan.