Manila, Philippines – Posible umanong maharap sa kasong multiple homicide ang pamunuan ng NCCC mall dahil sa kapabayaan na nagresulta sa kalunus-lunos na pagkamatay ng 37 call center agents sa sunog sa Davao City.
Ito ang mariing pahayag ni Retired General Warlito Daus, DILG consultant for public safety at dating Bureau of Fire Protection Official na nag-draft ng Fire Code of the Philippines noong 2001.
Ayon kay General Daus, ngayon pa lang ay dapat nang masampahan ng kasong kriminal ang NCCC mall maging ang pamunuan ng security agency na humahawak sa seguridad ng nabanggit na mall.
Naniniwala si Daus na sarado ang fire exit ng NCCC mall lalo pa at sumiklab ang apoy bago pa ang mall hours.
Nakasaad aniya sa section 8 paragraph ng republic act 9514 o ang Fire Code of the Philippines na dapat bukas ang fire exit ng isang establisyemento sa sandaling mayroong kahit na iisang indibwal na nasa loob ng isang gusali.
Pero batay aniya sa practice, masyadong conscious sa usapin ng nakawan ang isang security agency kayat hindi ito basta-basta nagbubukas ng fire exit isang malaking paglabag sa umiiral na batas.
Bilang consultant ng DILG for fire and other public safety inirekomenda na ni Daus kay DILG Assistant Secretary Nestor Quinsay na tutukan ang kaso at papanagutin ang NCCC mall sa malagim na sunog na pumatay ng maraming mangagawa sa Davao City.