Manila, Philippines – Matapos ang nangyaring pagtitipon ng isang paksyon ng PDP-Laban kung saan nanumpa ang mga umano ay mga bagong opisyal nito, na-hack naman ang kanilang website kagabi.
Makikita sa pagbukas ng kanilang website ang litrato ng isang naka-maskarang lalaki na naka-fist bump at may nakasulat na “PDP – para sa dayuhang Pilipino – laban” at “laban 2019 Pilipinas, abangan ang tuloy-tuloy na pag-aasenso.”
Hindi pa malinaw kung anong grupo ng mga hackers ang siyang nasa likod nito kung saan wala naman statement na nilalabas ang PDP-Laban.
Samantala, ayon kay Senador Aquilino “Koko” Pimentel Jr, wala raw otorisasyon ang pagtitipon at labag daw sa party rules ang ginawa ng nasabing paksyon.
Dagdag pa ni Pimentel, siya pa rin ang tumatayong presidente ng partido.
Nabatid kasi sa isinagawang national assembly ng PDP-Laban partido demokratiko Pilipino – lakas ng bayan sa Quezon City, pormal na iniluklok ng grupo si Rogelio Garcia bilang pangulo at Willie Talag bilang secretary general umano ng partido kapalit nila Pimentel at dating speaker Pantaleon Alvarez.