Manila, Philippines – Malabo umanong makapag-move on ang mga Pilipino sa galit sa pamilyang Marcos.
Ito ang bwelta ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago matapos na manawagan si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na mag-move on na ang mga Pinoy sa poot sa kanyang pamilya.
Iginiit ni Elago na sinungaling ang gobernadora nang sabihin nito na ang mga millenials ay naka-move on na sa mga nangyari noong rehimeng Marcos patunay lamang na kapatid talaga ng magnanakaw ang sinungaling.
Paalala ng kongresista, libu-libong mga millenials ang lumabas sa lansangan noong desisyunan na ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang dating diktador na Pangulong Ferdinand Marcos.
Dagdag pa ni Elago, hindi makaka move on ang mga Pilipino o kahit ang mga millenials sa mga pag-abuso noon ng rehimeng Marcos hangga’t hindi napagbabayaran ang kaso ng maraming pinatay at pinahirapan at pagbabalik sa ninakaw sa kaban ng bayan.