Mayorya ng mga Pilipino sa buong bansa ang naniniwalang dapat manatiling malusog at iwasan ang magkasakit.
Batay sa “Tugon ng Masa” survey ng OCTA Research Group, lumalabas na 65% ng mga respondents ang nagsabing ang manatiling healthy at pag-iwas sa sakit ang kanilang nangungunang personal concern.
Ang pagkakaroon ng maayos na trabaho o source of income ay pangalawa sa listahan na nasa 56%.
Pangatlo sa top concern ng mga Pilipino ay maiwasang maging biktima ng seryosong krimen na nasa 47%.
Ang makatapos sa pag-aaral ang ika-apat na nasa 45%.
Nasa 37% naman ang nagsabing personal concern nila ang matiyak na may makakain sila kada araw.
Lumalabas din sa survey na 47% ng mga Pilipino ang nagsabing dapat itaas ang sahod ng mga manggagawa.
Ang iba pang mahahalagang isyu na kailangan ding tugunan ng pamahalaan ay ang abot-kayang bigas, gulay at karne (39%), pagkontrol sa COVID-19 (38%), pagkontrol sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo (32%) at pagbibigay ng dekalidad na edukasyon (25%).
Ang survey ay isinagawa mula January 26 hanggang February 1 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents sa buong bansa.