Naglabas ng panuntunan ang Mandaluyong City Government kaugnay sa magiging singil sa pamasahe sa mga tricycle na pinayagan nang makabiyahe sa lungsod sa gitna ng pag-iral ng General Community Quarantine (GCQ).
Sa ilalim ng City Ordinance No. 779, ang public utility tricycle ay dapat na magpatupad ng minimum na pamasahe na ₱20.
Sinumang maniningil nang sobra ay pagmumultahin ng P1,000 bawat paglabag.
Ayon pa kay Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, dapat ay isang pasahero lang din ang sakay ng tricycle maliban na lamang kung ito ay emergency.
Dapat ding naka-facemask ang mga driver, may alcohol sa loob ng tricycle at may kopya ng fare matrix at guidelines sa ilalim ng ordinansa para makita ng mga pasahero.
Samantala, ang mga pasahero naman ay kailangang may quarantine pass, company ID at nakasuot din ng face mask.
Papayagang mamasada sa lungsod ang mga tricycle mula alas 5:00 ng umaga hanggang alas 8:00 ng gabi.
Pinayuhan din ng alkalde ang mga pasahero na sumakay lamang sa mga tricycle na may ID sa harapan at may health clearance certificate na patunay na sumailalim siya at nagnegatibo sa COVID-19 test.