Manila, Philippines – Kailangan ng mandato ng batas para maipatupad ang HIV testing sa bansa.
Ito ang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III kasunod ng naitalang halos 1,000 bagong kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) infection nitong Setyembre.
Ayon sa kalihim – mahirap mang sabihin, pero ito ang nakikita nilang paraan para mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit.
Inamin din ni Duque na nahihirapang gumawa ng bakuna para sa HIV dahil nag-iiba ang anyo ng virus.
Pero pwede pa rin naman aniyang mamuhay nang normal ang mga HIV patient kung susundin ang gamutan.
Sa buong Southeast Asia, Pilipinas pa rin ang mga pinakamababang HIV/AIDS cases pero dito rin naitatala ang pinakamabilis na pagtaas ng kaso nito.
Mula 1984, umabot na sa 59,135 ang HIV cases na naitala ng DOH kung saan 6,588 ang full-blown AIDS at 2,917 na ang nasawi.