
Tuluyang inabandona na ng Senado ang mandato na pinagkatiwala ng Konstitusyon na dinggin at desisyunan ang lahat ng kaso ng impeachment.
Ito ang binigyang-diin ni Senator Risa Hontiveros sa pagboto niya ng NO sa mosyon na i-archive para maisantabi na ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Muling iginiit ni Hontiveros na hindi pa pinal ang desisyon ng Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang impeachment case laban kay VP Duterte.
Aniya, ang lahat ng nangyari ay aksyon ng Senado at ang institusyong ito ang pumatay sa articles of impeachment.
Sa pagboto rin ng No ni Senator Kiko Pangilinan ay nilinaw niyang wala sa kanilang mga senador na tutol sa pagsasantabi o pagbasura sa impeachment ang hindi nirerespeto ang desisyon ng Korte Suprema.
Paliwanag ni Pangilinan, hiling lang nila na hintayin ang final decision sa motion for reconsideration at hindi sila nagpapasya o gumagawa ng mga hakbang nang walang paggalang dahil wala pa namang pinal na desisyon.









