Dapat na ibalik ang mandatory 14-day quarantine para sa mga biyaherong pumapasok sa Pilipinas.
Ito ang mungkahi ng OCTA Research Group sa harap ng pagdami ng tinatamaan ng bagong variants ng COVID-19 na unang na-detect sa UK at South Africa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Dr. Guido David na dapat pag-aralang muli ng gobyerno ang pagluluwag sa ilang protocols gaya ng pagpapatupad ng 5th day COVID-19 test.
Sa ilalim nito, pinapayagan nang lumabas ng isolation facility ang isang indibidwal kung magnegatibo siya sa ikalawang round ng COVID-19 testing na isasagawa sa ika-limang araw niya sa loob ng quarantine facility.
Katwiran ng health expert, hindi rin naman kasi 100% accurate ang RT-PCR test.
Giit ni David, hindi na dapat hintayin pang makapasok ang mas maraming COVID-19 variant sa bansa bago maghigpit.
“Sa ibang bansa, 14 days, kahit nagpa-test ka na, mandatory pa rin ang quarantine. Ang suggestion natin, sundin natin ‘yan. Kasi kahit sabihin mo 5% lang yung false negative, kahit mababa na ‘yon ibig sabihin, makakalusot pa rin talaga,” ani David.
“Lagi tayo maaapektuhan niyan e. Laging madi-disrupt yung economy natin kung pasok lang nang pasok yung mga variants dito galing sa ibang bansa.”
Sa ngayon, hindi pa itinuturing ng OCTA na second wave ang panibagong pagsipa sa kaso ng COVID-19 sa bansa sa nakalipas na linggo.
Pero babala ng grupo, mas bibilis ang pagtaas ng kaso ng sakit kung itutuloy ang planong pagpapaluwag ng community quarantine.
Una rito, nagbabala ang OCTA na posibleng pumalo sa 5,000 hanggang 6,000 na bagong kaso ng COVID-19 ang maitala sa buong bansa kada araw pagsapit ng katapusan ng Marso.