Nais ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na limitahan ang mandatory contributions nito sa mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma – mula 1998 hanggang June 2019 ay umabot sa 13 billion pesos ang mandatory contributions nito sa 24 na government agencies.
Mula sa nasabing halaga, ang anim na bilyong piso ay napupunta sa lokal na pamahalaan, nakikinabang din dito ang Commission on Higher Education (CHED), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Shelter Program, Philippine Crop Insurance Corporation, National Museum, Dangerous Drugs Board (DDB) at Sars Awareness and Protection.
Ang Department of Justice (DOJ) ay nakakatanggap ng 50 million pesos para sa implementation ng Juvenile Justice and Welfare Act.
Giit ni Garma – dapat mai-rationalize ang mandatory contribution.
Aniya, nais nilang bumalik sa kanilang mandato, ito ay ang pagbibigay ng medical assistance at charity.
Sa ilalim ng PCSO charter, ang PCSO ay minamandatong magbigay ng pondo para sa health programs, medical assistance at services, maging charities.