Kakailangan pa ng batas bago maipatupad ang mandatory COVID-19 vaccination o obligadong pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Pahayag ito ni Senator Christopher “Bong” Go makaraang paboran ni National Task Force (NTF) against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na gawing mandatory sa bansa ang COVID-19 vaccination.
Giit ni Go, hindi dapat gawing sapilitan ang pagpapabakuna kahit pa ito ang tanging susi at solusyon para makabalik sa normal na pamumuhay.
Ang importante para kay Go ay makuha ang kumpyansa at tiwala ng mga kababayan natin sa pamamagitan ng pagpapa-intindi sa kahalagahan ng pagbabakuna laban sa COVID-19.
Kaya sa halip na gawing mandatory ang vaccination, iginiit ni Go na mas dapat palakasin na lang ang panghihikayat sa mamamayan na magpabakuna.
Mungkahi ni Go, magbigay ng mga incentive sa mga bakunado tulad ng mas maluwag na mga patakaran, pagkain sa labas, pagpasyal at paggalaw ng walang masyadong restrictions.
Binanggit din ni Go na may mga pag-aaral na rin na nagsasabi na tumataas naman ang vaccine confidence ng mga Pilipino kumpara noong nagsisimula pa lang tayo at sa kaniyang pag-iikot sa bansa ay kaniya ring napapansin na mas marami na ang willing magpabakuna.
Dahil dito ay pinapatiyak ni Go sa gobyerno ang mabilis na distribusyon ng COVID 19 vaccine sa bawat sulok ng bansa lalo na sa mga komunidad na pinakanangangailangan.