Manila, Philippines – Ipinanawagan muli ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang pagsasagawa ng mandatory drug testing sa lahat ng mga kongresista at mga staff ng Mababang Kapulungan sa pagbubukas ng 18th Congress.
Sa 18th Congress ay nakatakdang ihain ni Barbers ang House Resolution Number 15 na layong matiyak na drug-free ang Kamara at nakahanay sa war on drugs campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakasaad sa ihahaing resolusyon na oobligahin ang lahat ng kongresista, staff, consultants at mga opisyal at kawani ng Mababang Kapulungan na sumailalim sa mandatory drug test bago magsimulang maglingkod.
Iminungkahi din ng mambabatas na dapat gawin ito kada taon.
Ang sinumang kongresista, opisyal, staff at consultants ng House of Representatives na hindi makakapag-comply ay iipitin ang suweldo at iba pang benepisyo, bukod pa sa parusang ipapataw ng Civil Service Commission (CSC).
Paliwanag ng mambabatas, kahit sabihin ng iba na hindi na ito kailangang gawin ay hindi pa rin sila exempted sa drug test tulad ng pinagdadaanan ng mga bagong uniformed personnel, public at private employees.