Mandatory Evacuation Procedure sa natitirang mga Pilipino sa Myanmar, isinagawa ng DFA

Inihayag ng pamunuan ng Department of Foreign Affairs o DFA na ipinatutupad ang Mandatory Evacuation Procedure sa mga natitirang Pilipino sa Myanmar sa harap ito ng pananatili sa Alert Level 4 doon.

Ayon sa DFA, ang Alert Level 4 ay itinaas sa Myanmar mula noong May 6, 2021 dahil sa patuloy na paglala ng karahasan at lumalalang armadong labanan sa Myanmar mula noong Pebrero 2021.

Kinikilala ng DFA ang mga alalahanin ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagnanais na bumalik sa Myanmar sa kabila ng kawalan ng katiyakan at panganib na dulot ng patuloy na krisis.


Gayunpaman, ang kaligtasan at seguridad ng bawat Pilipino sa ibayong dagat ay nananatiling pangunahing prayoridad ng gobyerno ng Pilipinas gayundin ang pagtugon sa mga partikular na pangangailangan ng natitirang Filipino Community.

Matatandaan na mula noong Pebrero 2021, ang gobyerno ng Pilipinas ay nag-repatriate ng kabuuang 701 Filipino mula sa Myanmar, na binubuo ng humigit-kumulang sa 60% ng kabuuang bilang ng Overseas Filipinos sa bansa.

Pinapayuhan ng DFA ang mga Pilipinong nasa Myanmar pa na higpitan ang mga hindi mahahalagang paggalaw, iwasan ang mga pampublikong lugar, at maghanda para sa paglikas.

Facebook Comments