Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapaikli sa mandatory facility-based quarantine period para fully vaccinated inbound travelers mula sa mga bansang nasa “yellow list”.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang mga biyaherong kumpleto na sa bakuna mula sa ‘yellow countries’, o mga bansang nasa moderate risk ng COVID-19 ay kailangang sumailalim sa RT-PCR test sa ikalimang araw ng mandatory quarantine.
Kung negatibo sa virus, papayagan na silang umuwi at tapusin ang 10-day quarantine period sa kanilang bahay.
Samantala, ang foreign travelers naman mula sa yellow list countries ay required na kumuha ng kanilang pre-booked accommodation ng hindi bababa sa anim na araw.
Habang ang mga hindi pa bakunado, partially vaccinated travelers o mga indibidwal na hindi matukoy ng Philippine authorities kung valid at authentic ang vaccination status ay dapat na sumailalim sa facility-based quarantine hanggang sa lumabas ang resulta ng RT-PCR test nila na ginawa sa ikapitong araw ng kanilang isolation.
Sa ngayon, tanging Romania na lamang ang nakasailalim sa “red list” o mga bansa high-risk sa COVID-19.