Mandatory immunization program, lusot na sa pangatlo at huling pagbasa ng Kamara

Inaprubahan na rin sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8558 o Mandatory Immunization Program sa botong 206 Yes, 1 No at 1 Abstention.

Layunin ng panukala na mapalakas ang mga hakbang at programa ng pamahalaan sa pag-iwas sa mga sakit sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mandatory immunization program para sa lahat ng mga Pilipino lalo na sa mga kabataan.

Sa ilalim ng batas, mapapabilang na sa mga sakit na sakop ng national immunization program ang vaccine-preventable diseases na tuberculosis, diphtheria, tetanus, and pertussis, poliomyelitis, measles, mumps, rubella o German measles, hepatitis-B, H. influenza type B (HIB), rotavirus, Japanese encephalitis, pneumococcal conjugate vaccine (PCV), human papilloma virus (HPV) at booster para sa measles, rubella, tetanus, diphtheria (MRTD).


Maaari namang dagdagan ng Health Secretary ang naturang listahan batay sa rekomendasyon ng National Immunization Technical and Advisory Group (NITAG) at matapos ang public hearing na isasagawa ng Kongreso.

Oobligahin din ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na idagdag sa kanilang benefit package ang mandatory immunization services.

Libre din ang mga bakuna sa ilalim ng mandatory immunization program sa lahat ng government hospitals o facilities, maging sa school-based o community-based immunization program gayundin sa private health facility.

Pinagsasagawa rin ang Department of Health (DOH) ng malawakan at tuloy-tuloy na education at information campaign hinggil sa kahalagahan ng pagpapabakuna.

Facebook Comments