Manila, Philippines – Inirekomenda ni Dangerous Drugs Committee Vice Chairman Rodel Batocabe na isailalim sa random mandatory drug test ang mga taga media.
Ito ay kasunod ng inilabas na updated Narco-list ng PDEA kung saan 800 ang nasa bagong listahan kasama na dito ang uniformed personnel, media, judges, empleyado ng gobyerno at mga government officials.
Ayon kay Batocabe, mainam na gawin ang random mandatory drug test sa media upang malinis ang kanilang hanay.
Pero, aminado si Batocabe na hindi matutukoy sa drug test kung ang isang indibidwal ay hindi naman gumagamit ng ipinagbabawal na gamot pero sangkot naman sa drug peddling at drug pushing.
Dagdag pa ng kongresista, mainam na sampahan na ng kaso kung totoong sangkot sa droga ang isang taga media at alisin na sa listahan kung mapapatunayang inosente ito.