Ipinarerekonsidera ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang mandatory na paglalagay ng plastic barriers sa mga Public Utility Vehicles (PUVs).
Ang rekomendasyon ng kongresista ay kasunod ng insidente ng pagkasunog ng bus sa Commonwealth Avenue matapos na magkaroon ng argumento ang isang pasahero at konduktor.
Ayon kay Biazon, maaari itong maging basehan ng IATF para pag-isipan ang mandatory installation ng plastic barriers sa mga PUVs dahil batay sa mga testigo sa fire incident ay mabilis na kumalat ang sunog dahil sa mga plastic na harang.
Giit ni Biazon, walang duda na ang mga plastic barriers ay delikado lalo na kapag nagkasunog sa sasakyan dahil sa flammable nature nito.
Bukod sa nakamamatay ang plastic barriers kapag may sunog ay balakid din ito sa mga pasahero sa paglabas ng sasakyan lalo na kung may emergency.
Bagama’t naiintindihan naman ng mambabatas na ang plastic barrier policy ay inadopt bilang anti-COVID measure pero dapat ay ikonsidera rin ang mga posibleng panganib na pwedeng maidulot nito.
Dagdag ng kongresista, ang pag-o-obliga sa mga pasahero na magsuot ng face masks at face shields sa mga pampublikong transportasyon ay dapat maging sapat na para maprotektahan ang mga commuters sa COVID-19.