Naaprubahan na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang mandatory na pagpaparehistro ng Subscriber Identity Module (SIM) cards.
Sa ilalim ng House Bill 5793 o ang “SIM Card Registration Act” ay irerehistro na ang mga prepaid sim cards na layong mapigilan ang anumang krimen o modus.
Bago makalusot sa second reading ang panukala ay iginiit ni Deputy Speaker Wes Gatchalian sa plenaryo ang kahalagahan na maisabatas ang bill na noon pang 17th Congress pinagdedebatehan.
Inihalimbawa pa ng may-akda ng panukala ang nangyari sa kanyang kapatid na si Senator Sherwin Gatchalian na nabiktima ng “credit card hacking” at natangayan pa ng nasa P1 million halaga dahil sa mga in-order online.
Kumpyansa rin ang kongresista na malaking tulong ang pagpaparehistro ng SIM cards sa mga otoridad para matunton ang mga kriminal, gaya ng mga sangkot sa kidnapping, terorismo at iba pang ilegal na aktibidad.
Ipinunto pa ng mambabatas na maiiwasan na rin ang mga text scams sa oras na maging ganap na batas ang panukala dahil maoobliga na ang prepaid SIM card users na magpakita ng valid ID at ire-register ang personal na impormasyon ng user.