Mandatory na pagpaparehistro ng SIM cards, lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang nagsusulong ng mandatory na pagpaparehistro ng subscriber identity module o SIM cards.

Tuluyang nakalusot sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 5793 o ang “SIM Card Registration Act” sa botong 181 na pabor, 6 na tutol at zero abstain.

Layunin ng panukala na mairehistro na ang mga SIM card, upang masawata na ang anumang krimen o modus na gumagamit ng mga mobile phones na may postpaid o prepaid SIM cards.


Mabisang hakbang din ito upang makatulong sa mga otoridad sa pagtunton sa mga kriminal, gaya ng mga sangkot sa kidnapping, terorismo at iba pang iligal na aktibidad.

Hangad ng panukala na maging responsable at magkaroon ng pananagutan ang may-ari ng SIM cards upang maiwasan ang anumang iregularidad o krimen.

Hindi lamang mga Pilipino kundi maging ang mga dayuhang nasa bansa na gagamit ng serbisyo at obligado na ring magparehistro ng SIM card.

Kapag naisabatas, ang SIM card user ay kailangang magprisenta ng isang valid ID na mayroong litrato at ibigay ang ilang importanteng detalye gaya ng pangalan, kaarawan at address at pipirma sa isang control-numbered registration form na mula sa Public Telecommunications Entity (PTE).

Facebook Comments