Mandatory na pagsusuot ng face mask, mahigpit pa ring ipatutupad sa Cebu; mga pulis na hindi susunod sa kautusan, pinagbibitiw sa pwesto ni PNP-OIC PLtGen. Vicente Danao Jr.

Ipinag-utos ni Philippine National Police o PNP Officer-In-Charge (OIC) Police Lieutenant General Vicente Danao Jr., ang sapilitang pagsusuot ng face mask sa Cebu.

Ito ay kasunod ng inilabas na Executive Order (EO) ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na hindi na gawing mandatory ang pagsusuot nito sa mga open spaces sa lalawigan.

Ayon kay Danao, hindi pa nagbabago ang utos ng pamahalaan hinggil sa pagsusuot ng face mask sa bansa.


Bagama’t aniya nirerespeto niya ang desisyon at pamamalakad ng gobernador sa kaniyang nasasakupan, pero ang utos ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang kanilang mahigpit na ipatutupad.

Kaugnay nito, nagbabala si Danao sa mga pulis na hindi tatalima sa naturang kautusan na mag-resign na lang dahil nasa ilalim ng gobyerno ang PNP kung kaya’t dapat sundin ito.

Facebook Comments