Tinitignan na Department of Health (DOH) na gawing mandatory ang pagtatanggal ng jacket sa mga biyaherong pumapasok sa Pilipinas, upang maiwasan ang pagkalat ng monkeypox.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang mungkahing ito ay bunga ng pakikipag-usap ng DOH sa Bureau of Quarantine (BOQ) kung paano pa mapipigilan ang pagpasok ng monkeypox sa bansa.
Pero paglilinaw ni Vergeire, ang pagsasara ng borders ng bansa ay hindi bahagi ng kanilang rekomendasyon dahil sa ngayon ay mababa ang panganib na naidudulot ng ganitong uri ng sakit.
Dagdag pa ng opisyal, hindi gaya ng COVID-19, ay hindi nangangailangan ng mass immunization kontra monkeypox ang kabuuang populasyon.
Tanging ang mga direktang na-expose lamang kasi at ang mga vulnerable sa sakit lamang ang dapat bakunahan.
Nauna nang sinabi ng DOH na posibleng makakuha ng access sa bakuna laban sa monkeypox ang bansa sa 2023.