Hindi irerekomenda ng Embahada ng Pilipinas sa Israel ang mandatory repatriation sa kabila na may dalawang Pilipino na ang kumpirmadong nasawi dahil sa gulo sa pagitan ng Israel at Palestinian Militant group na Hamas.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi nina Philippine Ambassador to Israel Pedro Laylo Jr., at Deputy Head of Mission and Consul General Anthony Mandap na ang pagkamatay ng dalawang Pilipino ay naganap sa unang araw ng pag-atake ng Hamas sa Israel.
Sa kasalukuyan ayon sa dalawang opisyal ng embahada, kontrolado ng Israel ang mga lugar na inatake ng Hamas at bahagyang gumaganda na ang sitwasyon sa Israel kumpara noong unang araw ng pag-atake ng Hamas kaya walang pangangailangang magrekomenda ng mandatory repatriation sa mga Pilipino sa Israel.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi rin ni Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. Eduardo de Vega na ipinatutupad lamang ang mandatory repatriation o ang Alert Level 4 kapag ang buong bansa ay napabagsak at hindi na naipatutupad ang rule of law partikular ang peace and order.
Hindi aniya ito ang sitwasyon ngayon sa Israel, sa halip unti-unti nang nararamdaman ang pagbabalik sa normal ng Israel matapos ang pag-atake ng Hamas.
Inihayag ni De Vega na nakataas ngayon sa Alert Level 2 ang Israel batay na rin sa desisyon ng kanilang foreign ministry, ibig sabihin nito ay mayroong restriction sa deployment sa Israel.
Kaya naman hindi na muna makababiyahe ang mga Pilipinong hotel workers sa Israel hangga’t hindi ibinababa ang alerto sa lugar.