Mandatory repatriation sa mga Pinoy sa Lebanon, hindi pa ipinag-uutos ng pangulo

Nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi niya pa ipinag-uutos ang mandatory repatriation ng mga Pilipino mula sa Lebanon.

Sa kasalukuyan kasi ay nasa Level 3 pa lamang ang alerto sa Lebanon kung saan nakasaad na voluntary repatriation, o kusang pag-uwi lamang rito sa bansa ang paiiralin.

Ipatutupad lamang ang mandatory repatriation kung maitataas na sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Lebanon.


Ayon sa pangulo, nakadepende aniya ito sa sitwasyon sa lugar at sa magiging assessment ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Embassy.

Hinimok lamang ng pangulo ang mga Pinoy sa Lebanon at Israel na bumalik na ng bansa dahil sa paglala ng tensiyon sa Middle East.

Matatandaang kahapon ay panandaliang lumiban si Pangulong Marcos sa isang pulong sa ASEAN Summit para magpatawag ng virtual meeting sa kaniyang mga gabinete kaugnay sa evacuation ng mga Pilipino dahil sa lumalalang giyera.

Dahil sa naturang pulong ay hindi umabot si Pangulong Marcos sa unang bahagi ng ASEAN Leader’s Retreat pero agad naman itong nakahabol sa mga pagtitipon sa summit.

Facebook Comments