Umaasa si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na kasama sa muling mababanggit ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang tungkol sa Mandatory ROTC.
Ayon kay Dela Rosa, hindi siya masyadong nag-e-expect pero sana ay maisama ang panukalang Mandatory ROTC bill sa SONA upang sa gayon ay mahimok ang kanyang mga kasamahan sa majority bloc na tumulong na maipasa ang panukala.
Sinabi pa ng senador na sa mga nangyayari sa West Philippine Sea ay kailangan natin na magkaroon ng malaking bilang ng reserve force sakaling magkaroon ng emergency.
Dagdag pa sa nais marinig ni Dela Rosa sa SONA ay ang mga plano sa pag-angat mula sa kahirapan dahil naniniwala siyang lahat ng gusto ng Pangulo ay para sa kabutihan ng bansa.
Matatandaang sinabi rin ng mambabatas na posible na siyang dumalo sa SONA ni PBBM sa Lunes kapag maayos ang lagay at hindi na sumakit ang kanyang tuhod.