Mandatory ROTC Bill, posibleng mapagtibay bago matapos ang 19th Congress

Posibleng maging malaking hamon sa implementasyon ng Mandatory ROTC Bill ang pondo at ang problema sa absorptive capacity sa mga estudyanteng magtatapos sa programa.

Ayon kay Senate President Chiz Escudero, posible pang mapagtibay ng Senado ang panukalang Mandatory ROTC sa taong ito o bago matapos ang 19th Congress sa 2025.

Magkagayunman, malaking katanungan aniya rito ay kung saan makakahanap ng ₱8 billion na pondo na ayon kay Defense Secretary Gibo Teodoro ay kakailanganin para maipatupad ito.


Kabilang sa popondohan ang combat boots, uniform, allowance, stipend para sa mga magsasanay at office supplies.

Kapag naging batas, ipapatupad ang Mandatory ROTC program sa loob ng 3 taon at aabot ng ₱27 billion ang alokasyon para rito.

Sinabi ni Escudero na magiging mahirap din na mabigyan ng budget ang programa lalo’t may iba pang proyekto na mas kailangang pondohan ng Kongreso dagdag pa riyan ang nalalapit na 2025 elections.

Dagdag pa ni Escudero, inirerekomenda rin na hindi na otomatikong reservists ang mga ROTC students dahil mahaba na ang backlog ng mga reserve na nag-a-apply sa ROTC at posibleng hindi na nila ma-absorb ang mga magtatapos sa ilalim ng programa.

Facebook Comments